|
|
|
Pagsasagawa ng PalayCheck
Ang bawat lugar na paggaganapan ng PalayCheck ay dapat magkaroon ng isang demonstration field upang ipakita ang mga rekomendasyon, isang grupo ng mga magsasaka, at piling mga tagapamagitan o resource person. Ang demonstration field ay isa sa mga bukid ng mga magsasakang kabilang sa grupo. Mas maganda kung ang bukid na ito ay may lawak na hindi bababa sa kalahating ektarya, malapit sa daan, medyo malayo sa bukid na ginamitan ng ibang teknolohiya, at malapit sa lugar kung saan regular na magdaraos ng pagpupulong. Ang binhi at mga pataba ay maaaring ipagkaloob ng libre upang masiguradong masususnod ang mga rekomendasyon. Ang huwarang bukid o demonstration field ang magiging batayan ng pagtaya ng mga kalakasan at kahinaan ng pamamahala ng bawat magsasaka at mga talakayan at pag-aaral ng mga kinakailangang pagbabago upang mapataas ang ani at kita. Ang mga kalapit-bukid ng mga kabilang sa grupo ay may kalayaang pumili kung susundin nila o hindi ang mga rekomendasyon ng PalayCheck. Ang grupo na magsasagawa ng PalayCheck ay mayroong 15-25 na magsasaka na kabilang sa iisang komunidad o lugar. Ang grupo ay magpu-pulong bago, habang, at pagkatapos magsaka upang mapag-aralan ang mga pamamaraan ng pagsasaka, pagsalakay ng mga peste, pagtaas ng ani at kita, at kondisyon ng panahon; ikumpara ang PalayCheck demonstration field o demo field ng farmer-partner sa ibang magsasakang kabilang sa grupo o farmer-cooperator; talakayin ang mga dahilan kung bakit nakamit o hindi nakamit ang mga Key Check base sa kanilang mga kaalaman at karanasan; plano para sa mga gawain sa susunod na pagpupulong; at pagtatala ng mga gawain at resulta sa demo field at sa bukid ng ibang farmer-cooperators. Ang mga pamamaraan ng pagsasaka, pagka-kamit o hindi ng Key Check, at dami ng ani ay susuriin sa bawat lugar. Ang resulta ng pagtaya ay ipaaalam sa huling pagpupulong (pagkatapos umani) kung saan magkakaroon ng huling pagsusuri at pagbibigay-kahulugan sa pagkamit ng Key Check at kinalabasan ng ani ng bawat magsasakang kasama sa grupo. Tunay na ang PalayCheck ay makatutulong sa mga magsasakang magkaroon ng mas mataas na ani sa pamamagitan ng wastong pamama-hala ng palay, subalit dapat pa rin bigyang-diin ang pamamaraan ng pagkatuto dito. Ang pagka-tutong ito ay nagaganap bago magtanim, habang lumalaki ang palay, at matapos anihin ang palay. Maaaring ikumpara ng isang magsasaka sa grupo ang kaniyang pagkakaganap at pamama-hala sa inaasahang kalalabasan (ani, kalidad, epekto sa kapaligiran) o pagkamit ng Key Check. Dahil sa kakulangan sa pera, mayroong mga pagkakataon na ang ibang magsasaka sa grupo ay hindi lubos na sinusunod ang mga rekomendasyon ng PalayCheck. Ang pagtatagum-pay, problema, at pagkabigo ay maintindihan at dahil dito, ang mga karampatang pagbabago ay maisasagawa sa susunod na taniman.
Itapat sa larawan para sa karagdagang impormasyon. I-click ang larawan para makita ang nilalaman ng paksa.
|










